[OPINION] May kalayaan ba sa dulo ng bahaghari?

Ngayong nalalapit na ang Araw ng Kalayaan, inaalala natin ang pagtamasa ng kalayaan para sa lahat. Kung ito’y para sa lahat, meron nga ba ang LGBTQIA+ Community?
Pride-Featured

Ang buwan ng Hunyo ay may pinanghahawakang importansya sa pagiging malaya natin bilang mga Pilipino. Ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan ng inang bansa sa tuwing ika-12 ng Hunyo sa pag-alala sa mahabang pakikibaka ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol. Dahil sa ating pagtatagumpay ay nawari nating matamasa ang kalayaan noong araw na ito.

Mayroon ding isa pang uri ng kalayaang ipinagdiriwang tuwing Hulyo, ang Pride Month. Ito ay  pag-alaala sa makulay na kultura at pagpapahalaga sa mga miyembro ng LGBTQIA+ Community. Maliban pa rito, binibigyang pugay ang kanilang komunidad sa kanilang malaking kontribusyon sa pag-unlad ng bansa. Binibigyang pansin din ang kanilang paglaban para sa kanilang karapatan at laban sa pang-uusig sa kanila, tulad ng diskriminasyon, gender inequality, pagtapak sa kanilang karapatang pantao, at marami pang ibang mga isyu base sa kanilang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics.

Malaya man kung maituturing ang ating bansa sapagkat tayong lahat ay namumuhay sa ilalim ng demokratikong pamamahala, ngunit mayroon pa ring mga pagkukulang na ating dapat bigyang pansin. Kaugnay ng demokrasyang pampolitikal, madalas kong maisip kung may kalayaan ba talaga para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ Community. Sa iyong palagay, kung may kalayaang natatamasa ang naturang komunidad, bakit marami pa rin ang patuloy na inuusig at natatakot kumawala sa kanilang sari-sariling hawla?

Ang komunidad ng LGBTQIA+ ay malawak, malaki, at makulay. Sa pagiging diverse nito— mula sa iba’t ibang mga kasarian, edad, at pinagmulan ng mga miyembro, maituturing talaga na unibersal at para sa lahat ang komunidad na ito. Ang mga miyembro ng LGBTQIA+ Community ay may iisang hangarin— ang matanggap, kilalanin, at mahalin sila para sa kung sino sila at mabigyan din ng halaga ang kanilang pagkakakilanlan, lalo na ang kanilang mga karapatan, tulad ng mga indibidwal na kinikilala ang kanilang sarili bilang heterosexual (kung saan umaayon ang kanilang kasarian base sa kanilang biyolohikal na sekswalidad at sila’y nagmamahal o may atraksyon sa kabaligtad na sekswalidad). Sa ating bansa, bagama’t bukas na ito sa pagtanggap sa mga miyembro ng komunidad dahil sa mga batas na naglalayong labanan ang diskriminasyon sa komunidad at isulong ang ekwalidad sa lahat, ang mamamayan naman nito ay ‘di pa buong pusong bukas ang mga braso upang yakapin ang mga taong nasa ilalim ng bahaghari bunsod ng iba’t ibang paniniwala at pananaw sa kanila, na nagreresulta ng di pagkakapantay-pantay. 

Marami pa ring diskriminasyong natatanggap ang mga indibidwal na parte ng komunidad dulot ng iba’t ibang salik tulad ng paniniwala at relihiyon. Sa ating bansa, marami pa rin ang ‘di tinatanggap ang mga miyembro ng komunidad dala ng paniniwalang pangrelihiyon, tulad ng: (1) ang mga miyembro (raw) ng komunidad ay nasa isang phase lamang, (2) ayon (daw) sa bibliya, ang babae ay para sa lalaki, at ang lalaki ay para sa babae lamang, (3) isang kasalanan ang pagiging miyembro ng komunidad dahil tanging lalaki at babae lamang ang nilikha niya, at (4) ‘di katanggap-tanggap ang pagmamahalan sa parehong kasarian dahil ‘di ito tunay na pagmamahalan at sinisira lamang (daw) nito ang konsepto ng pag-ibig at pamilya.

Ang mga halimbawang ito ay sadyang nakakasuklam para sa mga miyembro ng LGBTQIA+, binabalewala ng mga ito ang kanilang mga karanasan at ang kanilang paglaban para sa kanilang kalayaan. Ang pagkilala bilang miyembro ng naturang komunidad ay hindi isang phase lamang. Ang tao ay hindi isang bakal na kapag binalu-baluktot ay babalik sa dati nitong diretsong anyo kapag nilublob sa mainit na tubig, at lalo’t higit na hindi ito isang madilim na parte ng kanilang buhay. Ang pag-yakap sa kanilang tunay na pagkakakilanlan ay hindi madaling landas upang tahakin, kaya’t dapat maging bukas at sumuporta tayo sa kanila. Isa pa, hindi tumututol ang bibliya, o Siya, sa homosekswalidad. Hindi rin ito isang kasalanan, at sa katotohanan, ang tinututulan ay ang sekswal na karahasan at ang paniniwala sa male honor, o paniniwala na ang karahasan minsan ay tama, naayon at kinakailangan. Isa pang tinututulan nito ay ang sexual exploitation sa mga batang lalaki ng mga nakatatandang lalaki, o pederasty, idolatry o matinding pag-iidolo sa isang tao o bagay,  at matinding sekswal na pagnanasa na dala ng “pag-konsumo” at hindi pag-ibig at pag-serbisyo. 

Hindi rin nakakasisira sa konsepto ng pag-ibig at pamilya ang homosexuality at pagiging miyembro ng LGBTQIA+ sapagkat kung sinisira ng same-sex o LGBTQIA+ couple ang naturang konsepto, sa halimbawa sa pagkakaroon ng anak sa pamamagitan ng surrogacy at pag-aampon, kung gayon ang pagiging single-parent at biyudo/biyuda na kahit may anak, ay sinisira din ang mga konsepto sapagkat mag-isa lamang silang nagpapalaki ng kanilang mga anak at wala silang partner. Ang pagkakaroon ng pamilya ay dapat naayon sa kakayahan na magbuhay ng anak at pamilya, magpanatili nito, at magpatatag ng relasyon. Maliban pa rito, ang konsepto ng pamilya ay naayon sa kakayahan na maipagkaloob ang karapatan at magawa ang tungkulin ng bawat isa sa kanilang sarili at sa iba, may anak man o wala.

Dahil sa mga paniniwalang ito, at marami pang iba, namuo at namayani nito ang isipan ng tao, lalo na ng mga relihiyoso, na naniniwalang isang kasalanan at maling gawain o bagay ang pagiging miyembro ng LGBTQIA+ Community at lalo na ang pagmamahal ng kasapi neto at/o sa parehong kasarian. Dala rin ng kaisipang ito ang diskriminadong pananaw at pakikitungo sa mga miyembro ng komunidad. Hate speech, violence and crime, homophobia, biphobia, transpobhia, stigma, microaggressions, inequality, exclusion, at marginalization. Ilan lamang yan sa maraming paraan ng pang-aapi at diskriminasyong nararanasan ng karamihan sa mga miyembro ng komunidad. 

Masasabing sa mga nararanasang ito ng komunidad, tunay na hindi pa katanggap-tanggap sa nakararami ang mga kasapi nito. Ngunit, ayon sa Pew Research survey noong 2020, 73% ng tao sa bansa ang pumapanig sa pagyakap sa homosekswalidad mula pa noong 2013 hanggang 2019. Ang saliksik na ito ay maaaring taliwas sa totoong antas ng katanggapan ng komunidad at hindi nito totoong repleksyon sa bansa, patunay dito ay ang patuloy na pang-uusig sa kanila. Maliban pa doon, maraming di bukas ang kamalayan sa komunidad at nananatiling bukas ang isipin, dahilan upang makaranas ng diskriminasyon at pang-aapi ang komunidad. 

Ang pagsusulong at pagaapruba ng karapatan ng LGBTQIA+ Community, civil rights para sa mga same-sex couples, at panukalang para sa ekwalidad na walang pinipiling kasarian ay malalaking stepping stones para sa komunidad. Nangangahulugan ito na may pagpapahalaga para sa miyembro at sa mga laban nila upang kanilang matamasa ang kanilang mga karapatan at ang pagkakapantay-pantay nating mga indibidwal bilang mga miyembro ng iisang lipunan. 

Ang Anti-Discrimination Bill o ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill  ay inumpisahan ni Former Senator Miriam Defensor-Santiago at Former Akbayan party-list Representative Etta Rosales. Ito ay isang panukala na iminungkahi sa kongreso noong 2000 na naglalayong tapusin ang gender-based violence sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga gagawa nito. Sa kasalukuyan, hawak ito ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman, na kauna-unahang transwoman sa kongreso, at Akbayan Partylist Representative Tom Villarin, na nagsusulong ng karapatang pantao, sa kongreso, at Senator-elect Risa Hontiveros naman sa senado, na tagapagtaguyod ng gender equality, women empowerment, at human rights.

Ito ang panukala na tinuturing na pinakamatagal nang nakalatag sa senado at may pinakamahaba pang-patutunguhan bago maaprobahan. Ang kasalukuyang bersyon nito ay naglalayon ding bigyang-linaw at labanan ang inequality sa lahat ng kasarian, miyembro man ng LGBTQIA+ Community o hindi. Ang pagkakait ng pag-aapruba sa naturang panukala ay isang malaking patunay ng tahasang pagkakait ng karapatan at sekswalidad sa lahat, lalo’t higit na sa LGBTQIA+ Community. Ang pagsasantabi sa panukalang ito ay parang pagsasantabi na rin sa kapakanan, kaligtasan, at mismong mga miyembro ng komunidad. 

Ngunit hangga’t may laban at patuloy na lumalaban, ang komunidad ay may lakas at pwersa na ‘di matatawaran. ‘Di nito maalis ang oportunidad at tsansa ng pagbabago at tagumpay para sa komunidad. Tayo bilang mamamayan, miyembro man ng LGBTQIA+ Community o hindi, ay may parte rin sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay para sa lahat. Tayong lahat ay may kalayaan, na natamasa natin sa pakikipagsapalaran ng ating kapwa sa mapang-api at mapang-abusong sistema. Ang simpleng pagpapahalaga sa buhay ng miyembro ng komunidad, hindi pambababa at pangmamaliit sa kanila, at pagyakap sa kanilang pagkatao ay simpleng paraan ng pagpaparamdam sa kanila na may lugar sila sa mundong ating ginagalawan, na kabilang sila sa atin at ‘di sila naiiba. Patunay din ito na nilalaban din natin sila upang matamasa ang kalayaang para sa kanila. Totoong mahaba pa ang maaaring lakbayin ng laban ng komunidad na LGBTQIA+, pero maaari din natin itong mapaiksi at mapabilis kung magtutulungan tayong isulong ang panukala na para sa kanila, at kung susuportahan natin sila.

Ang LGBTQIA+ Community ay komunidad ng makukulay na tao. Hindi sila naiiba sa atin. Ang pagmamahal, dapat, ay radikal at unibersal–para sa lahat. Kung paano mo mahalin ang isang purong lalaki o babae, dapat ganoon din sa miyembro ng komunidad. Respeto at pagmamahal ang pamunuin, hindi pagsusuklam. Sa tingin mo ba, may kalayaan ang komunidad ng LGBTQIA+ kung may pagpapahalaga tayo sa kanila? 

Picture of Lorence Soto

Lorence Soto

Lorence Joshua Soto is the current Entertainment Editor of The Philippine Scouting Tribune. He's known to be a Swiftie, and loves listening to music.

Leave your reply

Be a Scout journalist!