20 litratong sumasalamin sa kwento ng mga Scout

A Scout is cheerful ika nga. Tingnan ang mga larawang ito na dahilan kung bakit laging masiyahin ang mga Scout. Tiyak makakarelate ka!
Untitled-1-copy

Ang mga Scout ay likas na masiyahin. Kahit nahihirapan na ‘yan ay makikita mo pa ring nakangiti. Hindi dahil sa manhid kami, pero sadyang kaya lang namin tiisin ang sakit na nararamdaman namin… ah este, marunong lang kaming tignan ang mga positibong bagay para mapawi ang hirap. Anu’t ano pa man tao lang din kami at dumarating din ang punto na lumalagpak kami… sa putik.

Sa panahong ganito na walang nagmamahal sa’yo na wala kang ibang kasama kung hindi ang iyong cellphone o laptop, nandito naman kami para damayan ka. Narito ang listahan ng pwede mong makasama sa buhay ilang mga litrato o Scouting memes na talaga namang makakarelate ka. Kung hindi ka makarelate, itanong mo na sa sarili mo kung Scout ka ba talaga. Charaught!

20. Limang minuto bago ang Board of Review

Hindi maikakala na ito ang Bar Exam ng mga Scout dahil hindi lang pangteoryang kaalaman ang susukatin dito kundi pati na rin ang praktikal na kakayahan. Sa kabila ng hagalpakan, kulitan, at harutan ilang oras bago ang Board of Review, hahantong rin ang lahat sa katahimikan kapag isa-isa na kayong tinawag.

Imbes na magreview e, mapapadasal ka na lang at mapapaisip kung ito na ba ang panahon para sumuko ka.

19. Alas-tres na pero wala pang-tanghalian. Oras na para magrebolusyon!

Hindi bago sa mga Scouts ang hindi makakain ng tama sa oras. Hindi dahil sa hindi sila pinapakain pero sadyang mahirap lang lalo na sa mga Jamboree. Naranasan n’yo na bang hindi makakin sa oras dahil sa mga sumusunod:

  1. Hindi nakapagluto si Grub Master
  2. Tutong o hilaw ang sinaing
  3. Nakapagsaing, kaso hindi mo ka-crew ‘yung nagsaing. Nvm.
  4. Hindi mo gusto ang ulam
  5. o dahil mas pinili mong matulog

18. Spiderman. No one is going home.

Kung hindi mo pa napapanood ang pinakaunang installment ng Spiderman pwes showing ‘yan sa mga camping. “No one is going home” lalo na kapag week-long jamboree ang napuntahan mo. Dahil sa sobrang haba naubusan na ang mga staff ng ipapagawa sa inyo, at dahil sa sobrang pagod mo dahil sa dami ng pinagawa sa inyo noong mga nakaraang araw – wala na kayo sa katinuan. Kaya naman napagtripan niyo ang gagambang walang muwang na naglalakad sa gilid.

Naisipan niyong maging Scout Almighty at ilagay sa inyong kamay ang kapalaran ni Spiderman. Kawawang gagamba.

17. Noong sinabi sa iyo ng Unit Leader mo na magpiprito kayo ng itlog sa papel.

Lahat naman daw ay nag-uumpisa sa hindi alam. Gaya alpabeto at pagsulat, bago tayo natuto ay hindi muna tayo marunong. Kaya lang, narealize mo na maling camping – pagpasok mo pa lang wala nang kaldero, kawali, plato, at baso.

Gabi na, tinawag ka para kumain syempre tuwang-tuwa ka kasi nakahanda na ang lahat. Dito mo naisip, “ahhh, kaya pala”. Pero nagbago ang lahat ika-anim ng umaga kinabukasan, nang walang pagkaing nakahanda at inabutan kayo ng itlog, mantika, at papel at sinabing, “oh, lutuin niyo na ang itlog bilang almusal niyo.”

16. Pagkatapos ng lahat ng hirap, may fellowship lunch.

Siyempre hindi naman lahat hirap ang nasa loob ng survival camp na napasukan mo. Bago magclosing ceremony, may tinatawag na fellowship lunch kung saan, lahat ay sama-sama at sabay-sabay na kakain. Nakahanda na ang lahat, tiyan mo na lang ang hinihintay.

Ang hindi nila alam, ‘yung itlog na binigay sa iyo noong almusal ay nasa bag mo lang kasi nabutas na ang papel paglagay mo pa lang ng mantika. MATIK! Gutom ka. Ito na ang pagkakataon mo para bumawi.

15. Camping Hack: Matulog nang nakatype A para hindi malate sa formation.

Isipin mo ito, unang araw ng camping pero hindi ito ang unang pagkakataon na sumali ka dito. Syempre akala mo alam mo na lahat. Akala mo wala ka nang pagkakamaling magagawa.

AKALA MO LANG WALA, PERO MERON, MERON, MERON. (Vilma Santos voice)

Alam mong maaga ang formation kinabukasan, natulog ka nang nakatype A para mabilis kang makakarating sa formation nang presentable. Pero nagising ka at nakita mong nageehersisyo sila, naka-Type C. At least nakahanda ka na for flag ceremony di’ba?

14. Odd number is the worst.

Itinuturo sa atin sa mga training at camping ang kahalagahan ng buddy system – kung saan lagi kang kasama o katuwang na isa pang Scout. Sa pagkakataon na alanganin ang bilang, pwedeng tatlo kayo (kung may tatanggap sayo) pero kadalasan alone ka.

Kaya naman sa mga gawain kagaya ng bandaging, mapapaisip ka na lang kung may nagmamahal ba sa iyo.

13. Scouting and sleeping develops camaraderie.

Wala nang hihigit pa kapag nagtambal ang Scouting at sleeping. Ito ang pinakamasarap na pakiramdam sa tuwing may camping. Maliban sa nakakapagpahinga ka na, nagiging close ka pa sa mga kasamahan mo. Posibleng pinili mo iyan, o wala ka lang talagang matulugan at pagod ka na. Pero ang importante, mahalaga.

12. Gagapang kasi matapang.

A scout is brave. Walang pinipiling lugar at hamon, lahat ay susuungin. O gaya ng sinabi ko kanina, wala ka lang choice. Pero ano man ang mangyari, makikitang walang inuurungan ang mga Scout. Minsan sa huli na lang nila napagtatanto na, tama nga – a scout is obedient.

11. Yung ikaw lang ang hindi marunong sa bandaging.

Gaya ng sinabi ko kanina, mahalaga ang buddy system — pero sa sitwasyon na ito, body system. Nangyayari ito kapag may dalawang magka-buddy ang parehong marunong pero ayaw maging pasyente, at may isa pa na isa lang ang marunong at ang isa naman ay willing victim.

Kung ayaw mong mangyari sa iyo ito, makinig ng maigi sa iyong mga discussant. At kapag naman nangyari sa iyo ito, isipin mo na lang, ham yan.

10. Protect your flag at all cost.

Bilang isang crew leader, mas may power ka kumpara sa mga kagrupo mo. Halimbawa, kapag late sila ikaw lang ang magsquat, pero kapag ikaw ang late, lahat sila magsquat. Pero sabi nga sa isang pelikula, “with greater power, comes with great responsibility”. Siguro naman ngayon alam niyo na punto ko.

Ang crew flag ang buhay ng isang crew, at ang buhay ng grupo na ito ay nakasalalay sa pinuno. Kahit saan ka magpunta, kahit ano ang ginagawa mo, walang dahilan para bitawan mo ito. Kanya-kanyang diskarte rin tuwing Crew Leaders Training Course kung papaanong hindi ito maagaw habang natutulog. Tingnan mo na lang yung litrato sa kanan. TEAMWORK!

9. Matapang ka nga pero mas matapang yung amoy ng ginapangan mo.

Dalawang litrato ang nakakalipas, natapos mo na rin gumapang. Napatunayan mo nang ikaw ay matapang at masunurin. Akala mo huling tuklas mo na ang pagiging masunurin mo, kaso hindi pala — may mas matapang pa sa mga Scout — ang amoy ng artipisyal na putik na ginapangan mo na hindi mo alam kung saan nanggaling ang tubig.

Putik-liciousssss!

8. We all have that one fashionista friend.

Siya si Mika, fashionista. Maaring mali ako, pwedeng wala kang kaibigang ganito. Pero sinama ko lang ito dito kasi pinagmamalaki namin ang kaibigan naming ito. JOKE!

Isa lang siya sa mga halimbawa ng mga Scout fashionista. Kaya siya tinawag na ganoon kasi kaya niyang maging snappy, kikay, at hip-hop ng sabay-sabay. Sila rin yung laging panalo sa mga palaro gaya ng “bring me”.

7. Squid Game (Senior Scouting Version)

Dito masusubukan ang tatag at samahan ng isang grupo. Maraming palaro ang bersyon sa Scouting. Ang kaibahan lang, walang mamamatay kapag natalo kayo pero sigurado may magsisisihan. Part of the game. LOL!

6. Everything is okay except you.

Siyempre tumingin tayo sa positive side. Nararamdaman mo lang ito pagkatapos ng isang Board of Review o habang naghihintay ng resulta ng isang gawain. Basta hindi ka 37.8°C, everything is ok but you are better.

Ayos ka lang ba Mika?

5. T-I-W-A-L-A sa kasama.

Pinag-uusapan na rin lang natin ang mga batas ng Scout dito, sabihin na rin natin ang pinakauna sa lahat. Ang Scout ay mapagkakatiwalaan. ‘Wag lang sa mga ganitong klase ng gawain. Alam ko ito ang pinanghawakan mo bago ka pumayag piringan, at nang hinawakan ang mukha mo ay sinabihan ka na nililinis lang nila.

Proud kami sa iyo John Joseph! Nauto ka.

4. Huwag kang matutulog mag-isa.

Uulitin ko sa huling pagkakataon. Importante ang buddy system. Hindi lang para hindi ka balutin ng mga benda, hindi mo balutin ang sarili mo ng benda, o para may katulong kang bantayan ang inyong watawat. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangan mo rin ng tagabantay na gising habang natutulog ka. Kung wala, magigising ka na lang naibenta na ang kaluluwa mo sa Cebuana.

Ngayong gabi, ako ang sundalo mo
Habang ika’y tulog, ako’y gising nakabantay sa iyo
Kasi mahal kita, tingnan mo
Pag-ibig ko sa ‘yo lamang

– Hallelujah, Bamboo (Hindi mo kabuddy)

3. Hinipan mo, kala mo magic na mawawala na lang lahat ng feelings mo sa kanya.

Huwag na nating lokohin ang sarili natin, wala kang ibang hihipan sa camping kung hindi sarili mo kapag naiinitan ko o sugat mo kapag binuhusan ng alcohol ng medic.

Kapag nag-overthink ka masyado, iisipin mo na ang tansan ay ang nararamdaman mo para sa kanya. Hindi ganoon kadali mawawala iyon, maniwala ka sa’kin. Subok na ‘yan ni Mika.

2. Kasalanan mo na ito kapag naulit pa.

Hindi ko na papahabain pa, pero para maibenta ang kaluluwa mo sa Cebuana kailangan ng litrato. Itong litrato na ito ang magsisilbing babala at patunay na kailangan mo si Bamboo.

For sale: John Edward Lotayco, open for swap. Para sa karagdagang detalye, i-follow ang AMAPS sa Facebook.

1. A Scout is cheerful. 🤡

Maniwala ka sa hindi, masiyahin ang mga Scout.
Uulitin ko, masiyahin at pogi ang mga Scout.
Last na ito, masiyahin, pogi, at magiging milyonaryo ang mga Scout.
Wala talaga, hindi siya masaya. (UYYY, ngingiti na ‘yan)
Wala talaga, suko na ako.

BONUS: Sa camping nagaganap ang lahat ng transformation. Minsan Scout ka, minsan terorista ka.

No description available.

UY! Binabati kita at tinapos mo itong artikulo ko. Dahil nandito ka na rin lang, nawa’y nasiyahan ka at naging interesadong sumali sa Scouting at sa amin. Click mo itong kulay pulang sulat. Tapos sagutan mo at ipasa mo. Magugulat ka na lang nag-text na kami sa iyo.

Seryoso tayo. Sa halos dalawang dekada na ako ay nasa Scouting, walang duda masaya dito, marami ka magiging kaibigan, at higit sa lahat ay marami kang matututunan. Dito ko nakilala ang mga kaibigan ko, ang inakala kong “the one”, at syempre ang bumubuo ng samahan na AMAPS.

Kung ano man ang nagiging pag-aalinlangan mo, harapin mo dahil wala namang mawawala sa iyo. Kung itong artikulo na ito ang naging dahilan para magdalawang isip ka, sana naintindihan mo na hindi ko na kasalanan iyon biro lang karamihan dito.

Hanggang sa muli!

MAHALAGANG PAALALA: ANG MGA LITRATONG GINAMIT DITO AY MAY PAHINTULOT MULA SA MGA MAY-ARI. ANG MGA TAONG NASA LITRATO AY KINAUSAP RIN AT PUMAYAG NA MAISAMA SILA SA ARTIKULONG ITO.

Picture of Jan Khim Gamora

Jan Khim Gamora

Jan Khim S. Gamora is a Wood Badge Holder and an Eagle Scout Awardee in 2010 with Eagle ID number 17414. He also serves as an executive producer at Pinoy ScouTV.

Leave your reply

Be a Scout journalist!