CABANATUAN City—Ang mga Scouts mula sa Rovers Circles United 08 (RCU 08) ay nagsulong ng proyektong Peace: Give a Smile Project noong ika-18 ng Marso, 2022, sa mga batang naninirahan sa Tahanan ni Maria: Home for the Girls sa Brgy. Mampulog, Cabanatuan City. Ang proyektong ito ay konektado sa paggunita ng Buwan ng mga Kababaihan.
Ang Peace: Give A Smile Project ay may layuning magbigay ligaya, at kaunting handog na art materials sa mga batang babae sa Tahanan ni Maria. Ang proyektong ito ay pinangunahan ng magkapatid na Chief Scout Nation Builder (CSNB), sina Rover Scout Justine at Joshua Marcelo.
“Masaya magbigay ng ngiti sa mga mukha ng mga batang alam naming hirap ngumiti dahil sa pinagdaanan nila sa buhay, ngiti lang nila sapat nang kapalit dahil yung ngiti nila ay walang katumbas na pera,” wika ng magkapatid na Marcelo.
Matagumpay silang naka likom ng mga donasyong art materials, stuffed toys, hygiene kits, at mga damit mula sa kanilang mga co-scouts, kapamilya, at mga kaibigan. Sila ay naghanda ng maikling programa na may kasamang palaro para libangin ang mga bata at kaunting merienda na kanilang pinagsalu-saluhan. Hindi rin nagpahuli ang mga batang naninirahan sa Tahanan ni Maria sa kanilang inihandang maikling paghahandog o intermission number para sa mga Scouts. na nagbigay handog sa kanila.
Ang Tahanan ni Maria: Home for the Girls ay isang ligtas na lugar at mapag-arugang kapaligiran para sa mga batang biktima ng pang-aabuso kung saan sila ay binibigyan ng psycho-social na interbensyon upang malampasan ang kanilang trauma at ihanda sila para sa muling pagsasama sa kanilang mga pamilya. Ang mga kababaihang naninirahan sa nasabing tahanan ay nasa edad mula anim na buwan hanggang 18 na taong gulang.