Saan umuuwi ang mga babae at bata? Saan umuuwi ang mga babae at batang hindi maituring na tahanan ang kanilang tirahan? Sa mga bahay na nagsisilbing kulungan sa halip na kanlungan. Sa kulungang kasama ang salarin na nagdudulot ng kanilang mga pasa at sugat na di naghihilom.
Saan sila umuuwi? Walang iba kung hindi sa bahay-bahayang ang kisame ay kasinungalingan, ang pinto ay pagbabanta, at ang haligi ay pang-aabuso.
Alam natin kung saan sila matatagpuan pagkagaling sa eskwela o sa trabaho, ngunit bakit tila walang pagbabago? Hindi na natin dapat pang itanong kung bakit ganito. Dahil habang tinatanong natin ang ating mga sarili, o ang ibang tao ay lalo lamang lumalala ang kalagayan ng ating lipunan, at higit sa lahat ay nananatili lamang ang mga sambahayang nag-aalmusal ng abuso at naghahapunan ng diskriminasyon.
Iilan o halos walang pumipigil sa mga ganitong sitwasyon. Dahil sa kaisipang ibinaon sa atin ng bulok na kultura na – “away mag-asawa ‘yan”, “dinidisiplina niya lang ang kanyang anak”, “tama lang ‘yan para magtino” – ang masakit, ipinagmamalaki pa ito ng mga gumagawa ng abuso.
Ang panahon para baliktarin natin ang ganitong klase ng sistema ay noon, at ngayon. Tayo, walang iba ang sisira sa patriyarkal at mapang-abusong kultura sa ating mga tahanan. Tayo ang titibag sa mga bahay-bahayang naging kulungan sa halip na tahanan.
Testigo ang mga numero sa mga pang-aabusong ito. Taon-taon sa loob ng ilang dekada ay may mga inilalabas na bagong datos at estadistika ng karahasan sa mga dapat ay tahanan. Marapat nating tingnan ang mga datos na ito hindi lamang bilang isang numero na nakasulat sa papel o makikita sa mga monitor. Dahil ang bawat bilang ay buhay, ang bawat isa, dalawa, tatlo, o isang libo ay babae at batang sinaktan, ginahasa, inabuso, at patuloy na nakakaranas ng karahasan.
Ang mga datos na inyong makikita ay isang kamay na tumatapik sa atin, tumatawag sa atin, at nagsasabing tama na ang pang-aabuso, panahon na para kumilos tayo at labanan ito.
Pang-aabuso batay sa numero
Ayon sa ‘Philippine National Demographic and Health Survey’ na inilathalang Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2017:
- Mahigit kumulang isa sa apat na kasal na babae ang nakararanas ng pisikal, emosyonal, at sekswal na pang-aabuso na gawa ng kanilang asawa.
- Sa katotohanan, gawa ng asawa nila ang 48% ng abusong pisikal na nararanasan ng mga kasal na babae.
- Apatnapu’t siyam na porsyento naman ang abusong sekswal mula sa mga asawa ng mga babaeng edad 15-49.
Nasa apat hanggang limang taon na ang nakalipas mula noong lumabas ang sarbey na ito. Nasa sampung mga artikulo at akademikong papel ang gumamit nito bilang batayan. Sa kabila nito, tila ba nagiging palamuti lamang ang mga pagsasaliksik na ito sa mga silid-aklatan.
Noong 2019, inilathala ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang taunang ulat na ‘Responsible Parenthood and Reproductive Health’ na may:
- 19,743 ang mga naitalang kaso ng pang-aabuso laban sa kababaihan.
- Higit sa labing-limang libo sa kabuuan ay kabilang sa intimate partner-relationship category.
Ang mga datos na ito ay hindi imahinasyon, ito ay katotohanang pilit na nagkukubli sa patriyarkal na lipunang Pilipino. Nagtatago sa mga katagang, disiplina, normal, at lilipas din iyan. Ang pagtaas ng kaso ng domestikong karahasan sa panahon ng pandemya ay patunay na ang mga pang-aabusong ito ay nagaganap, at lumalala. Sa panahon na tayo ay nakakulong sa apat na sulok ng ating mga tirahan.
Walang dahilan para sabihin nating kasinungalingan lamang ang mga ito sapagka’t base sa isang napapanahon na survey ng Oxfam Pilipinas:
- Tatlong porsyento lamang mula sa 279 na sumagot ang nagsabing mayroon pa silang access sa mga helpdesks ngayong pandemya.
- Nasa apat na pu’t walong porsyento naman ang nangangamba. Lalo na tungkol sa kakulangan ng accessibility ng mga helpdesks.
- Mayroon ding naitalang 15 na kaso ng karahasan sa mga komunidad na isinama sa sarbey.
Ayon sa GABRIELA, tumaas ng 63% ang search queries na may kinalaman karahasan ngayong pandemya. Ito ay kasabay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan at bata. Anila, maaring ito ay sa kagustuhan ng mga biktima na maghanap ng tulong ngunit hindi sigurado sa unang hakban o ‘di kaya ay nalilimitahan ang pagkilos dahil sa mga restriksyon bunsod ng COVID-19.
Paano naman ang mga kaso ng pang-aabuso na nananatiling unreported? Ayon sa parehong 2017 survey ng PSA, 41% ang hindi humingi ng tulong para sa kanilang sitwasyon. Hindi rin siya nagsabi man lang sa iba tungkol sa kanilang pinagdadaanan. Batay naman sa isang 2018 article ng The Journalist’s Resource, mahigit kumulang 60.4% ang hindi napagtanto na sila’y nakaranas ng rape.
Makikita mula sa mga nakalahad na datos ang katotohanan. Bagama’t marami ang mga kaso ng karahasan, marami rin ang nanatiling unreported cases lalo na ngayong hirap ang access sa mga pisikal na helpdesks at opisina ng mga awtoridad dahil sa pandemya. Ngunit hindi lamang ito ang dahilan kung bakit may nananatiling kasong hindi naisusuplong. Nariyan ang takot sa ganti ng nang-abuso, hiya sa panghuhusga ng lipunan, o kakulangan sa impormasyon.
Ngayon ay nabubuhay tayo sa digital age. Mayroon tayong mga responsibilidad bilang isang mamamayan. Bilang mga kabataang may kakayahang makagamit ng teknolohiya, marapat lamang nating gamitin ang ating pribilehiyo at kalayaan. May iba’t-ibang paraan paano tayo makakatulong sa mga biktima at magiging biktima ng pang-aabuso.
Labanan ang Abuso!
Maaaring hadlangan at pigilan ang domestikong karahasan bago pa man ito mangyari. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-alam sa mga senyales ng pang-aabuso. Ang pagiging controlling at manipulative ay hindi maganda sa isang pagsasama. Ang mga ito ay senyales ng isang toxic na pakikipagrelasyon. Ang anumang anyo ng karahasan o pang-aabuso ay hindi dapat ipagsawalang bahala. Maging emosyonal o berbal na abuso man ay dapat itong bigyang pansin. Heto pa ang iyong mga magagawa upang makatulong:
- Makinig at maniwala sa kwento ng mga biktima at survivors.
Ibasura ang gender stereotyping at prejudice na mayroon ka higit lalo sa katangiang pisikal, sekswal, at emosyonal. Ang maliit na posibilidad ng gawa-gawang kwento ng abuso ay hindi nangangahulugang lahat ng alegasyon ay kasinungalingan. Magkaroon ng bukas at kritikal na pag-iisip. Makiramay at magbigay ng empatiya sa mga biktima. Iparamdam at ipakitang ikaw ay may pakialam at handa kang damayan sila sa kanilang laban. Kung ikaw naman ay biktima ng pang-aabuso, huwag matakot at mahiyang ikwento ang iyong karanasan, kasandig mo ang sang kababaihan.
- Alamin ang kahulugan ng consent.
Isa sa mga pinakalaganap na anyo ng domestikong karahasan ay pang-aabusong sekswal. Hindi pag-aari ng sinuman ang isa, maging ito ay iyong asawa. Ang kasal ay hindi nagbibigay ng karapatan sa kahit kaninong gawin ang gusto nilang gawin sa kanilang kapares ng walang pahintulot ng isa. Importanteng malaman na ang pahintulot na ibinibigay ay maaring bawiin sa anumang oras pagkatapos itong ibigay. Ang pananamit, ang pagiging lasing, ang pagiging malapit, at ang pananahimik ay hindi nangangahulugang “oo”. Walang ibang nangangahulugan ng “oo” kung hindi ang mga salitang “oo” at “sige.
Ang sapilitang pagsang-ayon ay hindi pahintulot. At hindi obligasyon ng sinuman ang magbigay ng pahintulot kahit kanino. Maari kang tumanggi. Ito ay iyong karapatan.
- Suportahan ang pagpapalaganap ng Sex Education sa Pilipinas.
Break the stigma, break the cycle. Maging bukas sa mga bagong ideya at impormasyon. Ang pagtuturo ng Sex Education sa Pilipinas ay tungkol sa pag-adbokasiya sa kalusugan ng publiko. Kasama na rin dito ang pagrespeto sa ating social responsibility bilang mga mamamayan upang matuto tungkol sa ganitong mga bagay-bagay na may kinalaman dito.
Ang ganitong klase ng edukasyon ay hindi dapat bigyan ng malisya bagkus ito ay magbibigay pa ng kaalaman sa mga kabataan tungkol sa kanilang responsibilidad at limitasyon. Kabilang na rito ang pagpaplano ng pamilya, pag-iwas sa mga gawang para lamang sa mag-asawa, at higit sa lahat ay ang pagrespeto sa lahat.
- Makilahok sa pamamagitan ng social media engagements.
Ngayong pandemya, ang unang anyo ng komunikasyon para sa karamihan ay ang mga social media platforms. Makialam at makilahok sa mga kampanya laban sa abuso. Gamitin ang teknolohiya para mapalawak ang kaalaman sa karapatan ng kababaihan, bata, bakla, lesbyana, at lahat ng kasarian. Higit sa lahat, ipakita ang pakikiisa sa laban ng mga inaabuso sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga biktima ng karahasan.
Ngunit, importante ring maging kritikal at umiwas sa mga pekeng balita.
- Matuto at ibahagi ang iyong nakuhang impormasyon.
Ngayong mas malawak na ang social media platforms at ang ating paggamit sa internet, dumadami na ang mga umuusbong na webinars o mga online na pantas-aral. Karamihan sa mga ito ay nagbibigay ng mga kaalaman tungkol sa iba’t-ibang mga isyu ng libre lamang. Sumama sa mga ganitong uri ng learning opportunities. Matuto at makibahagi ng iyong mga alam tungkol sa mga paksang ito. Ipaalam sa iba ang mga impormasyon na iyong nakalap. Sa pamamagitan ng edukasyon, makakatulong tayo sa pagpigil sa paglaganap ng domestikong pang-aabuso.
Bilang mga indibidwal ay mayroon tayong mga magagawa upang makatulong sa layuning ito. Hindi man malaki ang ating aksyon ay maaari na itong panimula. Ang pagbabago ay makakamit lamang kung ito ay nanggagaling mula sa bawat isa sa atin. Kung ikaw ay isang biktima ng pang-aabuso, gusto ko lamang ipahiwatig na hindi mo kasalanan ang na ikaw ay inabuso at hindi mo dapat iyan naranasan. Karapatan mo bilang tao ang mabuhay ng payapa at malayo sa ganito, kasama mo kami upang makamit ang hustisya.
Huwag na natin ipagsawalang bahala ang mga datos. Buhay ng ating mga ina, kapatid, at anak ang ating pinag-uusapan. Huwag magpakampante lalo na’t mayroon pang ganitong mga uri ng isyu na laganap sa ating bansa. Tignan ang mga numero at tanungin ang sarili:
Saan umuuwi ang mga babae at bata? Saan umuuwi ang mga babae at batang hindi maituring na tahanan ang kanilang tirahan? Sa mga bahay na nagsisilbing kulungan sa halip na kanlungan. Sa kulungang kasama ang salarin na nagdudulot ng kanilang mga pasa at sugat na di naghihilom.
Saan sila umuuwi? Walang iba kung hindi sa bahay-bahayang ang kisame ay kasinungalingan, ang pinto ay pagbabanta, at ang haligi ay pang-aabuso.
Oras na upang tayo ay tumindig laban sa karahasan sa mga bata, kababaihan at iba pang kasarian. Sa kasalukuyan, ginaganap ang 16 na araw ng pagkampanya ng aktibismo laban sa karahasang nakabase sa kasarian. Ngunit hindi limitado sa 16 na araw ang ating laban sa diskriminasyon at pang-aabuso. Ang laban na ito ay ipagpapatuloy natin, 365 na araw sa isang taon at patuloy tayong lalaban hangga’t sa tuluyan nang matapos ang paghihirap ng milyon-milyong mga kababaihan sa mundong ito. Makakamit lamang ito kung sama-sama tayo sa pakikiramay at pakikibaka. Magkaisa laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan.
Kung ikaw o ang iyong kakilala ay nakararanas ng domestikong pang-aabuso, tumawag sa mga sumusunod na numero. Hindi ka nag-iisa at iyong boses ay importante sa ating laban sa abuso sa mga kababaihan. Hindi man natin hawak ang kasalukuyan, maaari pa rin nating ibahin ang kinabukasan. Magsalita ngayon, atin ang kinabukasan.
Violence Against Women and Children Help Hotlines (for mobile) in the Philippines:
Aleng Pulis Hotline: 09197777377
Public Attorney’s Office: 09393233665
Inter-Agency Council on Violence Against Women and their Children: 09178671907 or 09178748961
GABRIELA: gabriela.phils@gmail.com
Bantay Bata 163: 163