Lumipas man ang buwan, taon, dekada, at siglo,
Kailanma’y hindi natin dapat kalimutan ang kaganapan ng ating mga ninuno.
Mga paghihirap at walang hangganang sakripisyo,
Para lamang makamit ang ninanais na kapayapaan at kalayaan sa mundo.
Kumpiyansa nating tinatawag ang araw na ito na “araw ng mga bayani,”
Ngunit alam ba natin ang tunay na kahulugan ng kanilang mga minimithi?
Noong unang panahon pa lamang ay mayroon na tayong mga kanya kanyang ipinaglalaban.
Mapa babae o lalaki, ang mga salitang binitawan ay kanilang paninindigan.
Ang bandera ng Pilipinas ay hindi lang basta isang dinisenyong tela para sa bayan,
Subalit ito ay ang identidad ng mga mamamayan sa ating munting pamayanan.
Sa paraan ng nobela, artikulo, aklat, at iba pa,
Ay dito naibahagi ng ating mga bayani ang kasaysayang napakahalaga.
Pagsapit ng buwan ng Agosto,
Ay dito ipinagdiriwang at binibigyang parangal ang ating mga bayani.
Sila’y tila ba’y magigiting at mahuhusay
Bagaman ipinaglaban nila ang magandang kinabukasan para sa ating mga kabataan.
Sa bawat ngiti na makikita sa kanilang mga nakuhanang litrato,
Ay ang mga pagdurusa at paghihirap na kasaysayan lamang ang nakakaalam.
Ang kanilang mga mata’y puno ng mga makabuluhang kwento–
Tila ba’y mahahalata sa kanilang pagmumukha ang kabayanihan na kanilang naipakita bago pa man sila mamaalam.
Ngunit, hindi lamang sila ang ating maituturing na bayani.
Sapagkat, nariyan ang ating mga modernong bayani na handang isakripisyo ang lahat para sa ikagiginhawa at ikabubuti ng kanilang mga kapwa mamamayan.
Nariyan ang mga taong nagsusumikap sa araw araw para lamang maibahagi satin ang kagandahan ng buhay.
Sa bawat sitwasayon, sa bawat panahon,
Mayroon tayong kanya kanyang tinuturing na bayani.
Maaaring nasa ating tahanan, pamayanan, o bansa
Kahit saan pa man iyan, kahit sino pa man iyan,
Mahalagang bigyan nating parangal at respeto ang mga nagsisigitingang bayani.
Sa lahat ng nagsumikap,
Nadapa,
Natalo,
Lumaban,
At patuloy na lumalaban,
Maraming salamat sa inyong lahat.
Habang buhay naming pasasalamatan
ang inyong mga nagawa para sa bayan.
Nasainyo ang aming respeto’t suporta;
Saludo ang lahat sainyo, aming mga nagsisigalingang bayani.